Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), lalahok sa MIBF!

Lalahok ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Manila International Book Fair (MIBF) sa 14–17 Setyembre 2023, 10:00 nu–8:00 ng, SMX Convention Center, Lungsod Pasay.

Itatampok ng KWF ang mga aklat pangwika at pangkultura na kinabibilangan ng Nananalamin: Tatlong Dulang Sumasalamin sa Kontemporaryong Pamilya ni Luciano Sonny Valencia; Pananalig sa Batà: Kasaysayan at Panunuri sa Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambatà sa Filipino ni  Wennielyn F. Fajilan; Mga Kuwentong-bayan ng Timog Cordillera: Ortograpiyang Ibaloy at Kankanaey ni Komisyoner Jimmy B. Fong; Mga Dula ni Njel De Mesa ni Njel De Mesa; Jonas: Nobela sa Wikang Sebwano ni Hannah A. Leceña, at marami pang iba.

Tampok din ang mga aklat ni Tagapangulong Arthur P. Casanova na Mga Drama para sa Dulaang Pambata, Mga Dula para sa Teatrong Pambata, at Batang Mandirigma at Lima pang Dula.

Ang KWF ay naniniwala na ang paglalathala ng mga publikasyon ay isang paraan ng pagtatanghal sa kapasidad ng wikang Filipino bílang wika ng malikhain at intelektuwal na gawain. Isang paraan ito ng pag-iimbak ng karunungan sa iba’t ibang disiplina na Filipino ang wika sa pagsulat at saliksik. (KWF)