Nasa mahigit 200 na manlalaro mula sa 12 mga bansa ang kalahok sa World Table Tennis – Youth Contender 2025 na isinasagawa sa lungsod ng Puerto Princesa.
Pormal itong nagsimula nitong Pebrero 12, 2025 sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa pangunguna ng Philippine Table Tennis Federation (PTTF) katuwang ang pamahalaang panlungsod bilang host city.
Sa press conference, ipinaliwanag ni Rachel DL Ramos, World Table Tennis International Referee, na ang mga manlalaro ay maglalaban-laban sa Under 11, Under-13, Under-15, Under-17, at Under-19 na kategorya. Sa mga kategoryang nabanggit, mayroon itong female singles, female doubles, male singles, male doubles, and mixed doubles.
Ang mga bansang kalahok sa WTT-YC 2025 ay ang Pilipinas, Sri Lanka, Malaysia, Singapore, Chinese Taipei, Australia, Hungary, Maldives, Korea, India, Thailand at Italy.

Sa kanyang mensahe sa opening ceremony, inanyayahan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang publiko na panoorin ang makasaysayang pandaigdigang palarong ito na nagaganap sa lungsod upang makapagbigay ng inspirasyon sa mga manlalaro.
Pinasalamatan naman nina PTTF president Ting Ledesma at WTT Federation Event supervisor Nikoleta Stefanova ang pamahalaang panlungsod sa walang sawang suportang ibinibigay sa mga international sports events tulad ng WTT-YC.
Sinabi ni City Sports Director Gregorio Austria na malaki ang maitutulong ng mga ganitong aktibidad sa ekonomiya ng lungsod sa iba’t-ibang paraan lalong-lalo na sa sektor ng turismo.
Ayon naman kay Competition Manager Daniel Deleniana, napili ng PTTF ang Puerto Princesa City na maging host ng WTT-Youth Contender dahil madali aniyang kausap ang mga lokal na opisyal ng pamahalaang palungsod at kompleto sa pasilidad kumpara sa ibang siyudad sa bansa na may mga budgetary concerns at may problema sa mga pasilidad.
Ito na ang ika-tatlong taon na isinagawa sa lungsod ng Puerto Princesa ang WTT-YC. Una ito isinagawa noong 2023.
Ayon pa kay Sports Director Austria, ang pagho-host ng lungsod ng mga international sports events tulad ng WTT-YC ay inaasahang magiging daan upang kilalanin ang lungsod bilang Sports Capital ng Pilipinas. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan) | By Orlan C. Jabagat