Site icon Dispatch Today News

Bigas na P29 kada kilo ibinebenta na sa Bulacan at karatig lalawigan

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinasimulan ng National Irrigation Administration (NIA), sa pamamagitan ng programang KADIWA ng Pangulo, ang pagbebenta ng P29 kada kilo ng bigas sa lalawigan ng Bulacan kasabay ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2024.

Ayon kay NIA Regional Director Josephine Salazar, prayoridad na bentahan ng hanggang 10 kilong bigas ang bawat isang senior citizen, person with disability, solo parent, at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may kaukulang identification card (ID) ng pagiging kabilang sa nabanggit na mga sektor.

Ang inisyal na 225 kaban ng kalidad bigas na naibenta sa Bulacan ay ani ng Farmers Irrigators Association, grupong sumailalim sa Contract Farming Program ng NIA.

Tiniyak ni Salazar na magpapatuloy ito sa rehiyon na tinaguriang Rice Granary ng Pilipinas. Tig-400 kaban ang inisyal na naibenta na rin sa lalawigan ng Tarlac at Pampanga, 300 sa Aurora, at 200 sa Zambales.

Pagtugon ito sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mga karaniwang mamamayan ay may mabiling kalidad na bigas sa abot kayang halaga. (PIA Region 3-Bulacan)

Nagsimula na ang National Irrigation Administration na magbenta ng P29 kada kilong halaga ng bigas sa lalawigan ng Bulacan. Sinimulan ang pagbebenta sa katatapos na KADIWA ng Pangulo na bahagi ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2024. (NIA Region III)

Exit mobile version