Opisyal nang binuksan ng Department of Science and Technology (DOST) ang 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa rehiyon ng Calabarzon ngayong Lunes, Oktubre 12 sa Quezon Convention Center, Lucena City.
Pinangunahan ni DOST Secretary Dr. Renato Solidum ang mahalagang pagdiriwang ng siyensya sa Calabarzon kasama sina DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho Mabborang, DOST Region IV-A Regional Director Emelita Bagsit, Quezon Province Governor Angelina Helen Tan, South Luzon State University President Dr. Frederick Villa, gayundin ang iba pang mga pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan, mga kawani mula sa pamahalaang panlalawigan at pribadong sektor na katuwang ng DOST sa pagsusulong ng agham at teknolohiya sa pagkamit ng sustainable development, national resilience, at pagkamit ng inaasam na food security sa bansa.
Sa loob ng tatlong araw, iba’t ibang mga aktibidad at programa ang isasagawa at ilulunsad ng DOST tulad ng Bamboo Technology Forum, 21st Century Learning Environment Model (21st CLEM), Innovation Hub at SARAI Hub, 4th Smart and Sustainable Communities Conference at marami pang iba.
Inaanyayahan ng ahensya ang publiko na makibahagi at bumisita sa Quezon Convention Center kung saan makikita ang mga exhibits at booths na nagpapakita ng galing at husay ng agham at teknolohiya. | via Maine Odong-Pangan, Anna Mole/PIA4A
